MLYKngMKPgRL! (Malaya Kang Makapag-Aral)


Kasabay ng mga bituin sa langit,
Kasabay ng pag-agos ng tubig sa batis,
Kasabay ng takbo ng ideya sa isip,
Ay singbilis din ng panahon kung dumating sa atin.

"Ay tutulad ka sa kapatid mong isa, di nakapagtapos."
"Magiging bulakbol din ito pag laki."
"Ahh nahawaan ng kapatid 'yan, tignan mo di makakapagtapos 'yan."

Ilan lang 'yan sa mga naririnig ko tuwing pupunta kami sa probinsya namin sa Baguio kasama ang pamilya ko. Lagi iyan ang napag-uusapan nila kapag ako ang nasa isip nila at ako ang nakita nilang pwedeng pag-usapan. Wala na silang bukambibig kundi ang kesyo di makakatapos, bulakbol, tarantado, walang mararating sa buhay. Simula palang nuong pagtungtong ko noong Junior High School, diyan na sila nagsimula maghasik ng maling tingin sa aking hinaharap. Ni hindi ko pa nga alam ang Algebra kasi di ko pa nadadaanan, alam na nila kaagad ang future ko? Magic! 
Pero, sa kabila noon, lagi akong kinakausap ni Mama at ni Papa tungkol sa bagay na 'yun. 

"Anak, hayaan mo nalang sila. Binubuntong lang nila sa iba dahil sila ang hindi nakapagtapos."

Oo, tama. Sila ang hindi nakapagtapos. Parang sinasama nila ako ng club nila na "Mga Taong 'Di Nakapagtapos". Sila yung huhusgahan ka dahil sa panlabas, at dahil sa utak nilang mas maliit pa sa buto ng mansanan. Aminado akong pasaway ako, laman ng guidance noon, may pagkatamad, pero ni hindi nawala sa isip ko ang pangarap ko maging isang GURO. Oo, magiging guro ako at lagi kong sinasabi sa isip ko iyon, na kakayanin ko at tatatagan ko ang loob ko. 

Tandang tanda ko pa noong Elementary ako, lagi kaming naglalaro ng mga kaibigan ko ng "Teacher-Teacher-an", at ang lagi kong pinipili ay Filipino. Hindi dahil sa mahina ako sa English o Math ah? Kundi dahil ito ang forte ko at ito ang pinakahilig kong asignatura noon pa man. Lagi kong kwento sa mga magulang ko na gusto ko maging guro, tapos ang subject na ituturo ko ay Filipino. Hindi naman sila tutol sa ganoong pangarap ko, basta ang lagi nilang bilin sakin, 

"Basta mag-aaral ka at makakapagtapos ka. Abutin mo kahit ano pa man ang pangarap mo basta masaya ka at 'di ka nakakasira sa kapwa mo."

At ngayon ngang nakatungtong na ako sa kolehiyo, at malapit ko nang mabuo ang pangarap ko bilang isang Guro sa Filipino, sinisikap ko paring palakasin ang loob ko na matapos ito. Ilang hakbang nalang nasa dulo na ako,  malapit ko nang maabot ang pangarap na nais ko, para sa akin at para sa pamilya ko.

Ngayon, gusto ko ipakita sa mga taong halos ilubog ang aking pangarap na, heto, nasa loob ako ng unibersidad, naka-uniporme, may dalang bag, may gamit pang-eskuwela, may sapatos na itim at may hangaring magpatuloy sa pangarap. At ang katagang gusto kong iwan sa kanila ay,

"Mga kamag-anak, may kalayaan kang makapag-aral. Sulitin mo, pilitin mo, para sa ikakaganda ng inyong buhay."

Hanggang sa muli, mga repa!

Comments

Popular posts from this blog

K TO 12: TAMA BA O ISANG KAMALIAN?

HATOL: Maling Paghatol sa Isang Ordinaryong Tao

Kaliwa Dam: Dahilan Para Mawala ang Tanging Yaman ng Bansa